Friday, July 1, 2011

ISANG MATANDANG KUBA SA TABI NG CANAO ni. Simplicio Bisa

Dumating ang matatandang iyon sa isang pagkakataong hindi inaasahan. Isa iyong matandang kubang papilay-pilay na lumapit at naupo sa nakatumbang lusong. Walang makapagsasabi kung siya at wala namang nag-aksaya pa ng panahong mag-usisa. Ang totoo’y hindi siya gaanong napag-ukulan ng pansin kung hindi lamang siya nadagil ng mga katutubong nagkakatuwaan pa sa paghabol sa iaalay na baboy kaugnay ng idinaraos nilang canao.



          Isang tanging piging iyon upang mag-alay kay Kabunian, ang pinakadakilang bathala. Kanina, sa pagtungo ni Lifu-o sa kaingin, ay nakakita siya ng isang uwak sa gitna ng daan. Iyon ay isang masamang pangitain. Bumalik na siya sa kanilang ato. Ipinasiya ni Lifu-ong tawagin ang mga intugtukon. Ibig niyang magdaos ng canao. Ibig niyang ganapin iyon sa kanilang af-fong.



          Ang pagdiriwang na tugging ito na nagliliklik sa mga labis, sa mga burol, at sa mga bundok ay tibok ng buhay sa pook na iyon ; sa idinaraos na canao nakatuon ang pansin ng nakakaunawa sa kahulugan niyon: pagkakasal kaya pagsilang, pagtatanim, pag-aari kaya, pakikipagdimaan, paghinging biyaya, paghinging-patnubay, pagkamatay kaya ng isang katutubi? At dinadaluhan nila ang ganitong canao at naiisip niya ang matandang kubang iyon ay isa sa naaakit dumalo; isa ring intugtukon sa ili na sumakop sa ato nila.



          “Ama,” pumukaw ang tinig si Sabsafung. “Ihahanda ko na ang mga tap-pey at fayas.”

          Binabalingan ni Lifu-o ang anak na nakalapit na nang hindi niya namamalayan. Sa makulay nitong lufid na nabibigkisan ng wakes, naisip niyang isang tanging canao ang idinaraos. Naiiba ang ganda ng anak niya ngayon. Makintab ang buhok nito na sinusupil ng ap-pong. Sa malikot na liwanag ng mga sulo at siga, ang fatek sa braso, balikat at leeg ng anak ay nagiging magagandang guhit na hindi makapagkukubli sa katotohanang dalaga na rin ang anak; malusog na ang dibdib nito na naiitiman din ng iginuhit na fatek. Naisip ni Lifu-o na makakatulong na sa kanya ang anak sa pangangasiwa sa pagtatanim at pag-aani sa kanilang kaingin... at sa pagdaos ng canao.

          “ihanda mo na... Tulungan mo ang iyong ina...”

          Bigla ang bulalas na sigawan. Hinahabol ng mga kabataang igorot ang baboy na papatayin sa canao. Sa paghahabulan ay napadako sa lusong na kinauupuan ng matanda. Sa biglang daluhong ng mga nagsisihabol, natumba ang lusong kasama ang matandang kuba.

          Natanaw ni Lifu-o kung paano tinulungang makatayo ang matanda. Muli itong naupo sa lusong. Sa saglit na iyon, may nakita si Lifu-ong na tila kakaiba—pang-akit

 Wari sa katauhan ng matanda. Nagsalita iyon “Bayaan na ninyo ako...”

          Nakiumpok si Lifu-o sa mga intugtukon. Siya’y nag-iisip. Ang mga am-ama ay umaawit na ng ay-eyeng— malalakas a nananawagan: iligtas kami sa anumang panganib... iligtas kami sa mga kapahamakang darating, kadakilaan... O, Kabunian!

          Sa kalooban ni Lifu-o’y naroon din ang piping dakilang dalangin: bigyan mo: Bigyan mo, Dakilang Kabunian, ng masagana at mahabang buhay ang mga nasa ato s ailing ito.

          Napatay na ng matatanda ang baboy at kasalukuyang dinadarang na sa apoy. Mamamasid-masid lamang ang matandang kuba sa pagkakaupo. Nahiwalay na siya sa karamihang ngayo’y nakapaligid sa kinakalusang baboy. Ang ningas ay kumain na sa tinipong kahoy; mga baga na lamang iyon ng sigang kangina’y nakatanglaw sa matanda. Nasa dilim na siya...

          Binalikan ni Lif u-o ang matanda.



          Doon ka, am-ama. Makiisa ka sa amin.”

          Babalik din sila riyo...”

          “Ibig mo bang ngumata ng tabako habang naghihintay?”

          Dumukot si Lifu-o sa nakasuklob na tinuod at iniabot na  tuyong dahon ng tabako.

          “Salamat... Ngunit bumalik ka na roon.” Itinaboy siya ng matanda.

Bumalik na nga sai Lifu-o sa bahay. Kailangang roon siya sa pagdaraos ng ritwal. Hinahanap na nga siya.

“Nasaan si lifu-o?”

“Si Lifu-o?”

“Lifu-o...?”

Bumalik pagkaraan ng mga sandal ang lahat sa labas ng bahay na malapit sa binuhay na mga siga... bumalik silang masasaya... at lumalakas ang awiitan... ang tunog ng gangsa, ng kalos, ng koongan.

Nasiyahan ang mga anito... ang apdo ng baboy ay nakaturong palabas...”

Tuhugin sa patpat...suksok sa bubungan... sa malapit sa pintuan!”

          “Magbibigay ng magandang kapalaran ang mga anito sa patnubay ni Kabunian...!”

          “Dulatan ng karne ang mga anito: ilagay sa kiyag... paanyayahan muna ng panalangin!”

          “Lifu-o,” bahagyang nagulantang ang tinawag. “Idudulot na ang tap-pey, Lifuu-o.” Nasa tabi na ni Lifu-o ang asawang si Napat-a.”

          Dinulutan din ni Lifu-o ang matandang kuba. Inilagay sa isang kiyag ang karne at ang kanin. Noon nagsalita ang matandang kuba sa isang makapangyarihang tinig na naririnig ng lahat. Ang pagdiriwang ay natigil. Ang tunog ng gangsa ay napipi at ang mga katutubo ay bumaling sa biglang nagsalitang matatanda. Ngayo’y natitiyak na ni Lifu-o na ang tinig ng matanda ang higit na makakatawag pansin.

          “Ang idinaraos ninyong Canao ay bibiyayaan ng mga anito. Dininig iyan ni Kabunian. Ngayon ay ibig kong maghandog sa inyo ng aking alaala.” Ang tinig niya’y malamig, tila dumarampi sa hubad nilang katawan—pinatitindi ng malamig na simoy na itinataboy ng mga puno ng pinto at hindi makabawas ang salab ng ningas ng siga. Naging lalong malilikot ang liwanag ng mga sulo; lumikha iyon ng mga anino sa dingding ng mga nakapaligid na tahanan ng mga Igorot—lumaki—lumiit—nagtatanghal wari ng isang mahiwagang sayaw. Samantala, ang tinig ng matanda ay tila nanunuot sa kaibuturan.

          Takluban ninyo ako ng isang malaking kawa at ipagpatuloy na ninyo ang canao. Huwag ninyong gagalawin ang pagkakataob sa akin ng kawa.”

          Sumisigaw ang isip ni Lifu-o:

          “O, Kabunian, kung ito’y palatandaan ng isang ipagkakaloob na magandang biyaya, tulungan mong mapaayun sa katwiran.”

          Nagsasalita pa ang matanda “Sa ikatlong araw, isang kahoy ang masusupling. Huwag ninyong gagalawin ang puno. Ang magiging bunga lamang ang maaari ninyong pitasin...”

          Iyon ay isang pagsubok. Dumating ang matandang iyon sa isang pagkakataong hindi inaasahan. Isa iiyong matandang kubang pipilay-pilay na lumapit at naupo sa nakatumbang lusong. Ngayo’y nakakapangyayari na ang kanyang katauhan.

          Isang matipunong Igorot ang kumuha ng kawang hinihiling niya. Ang mga intugtukon, ang mga matatalinong matatanda ng ato, ay napapatangay wari sa isang nagaganap na mahiwagang pangyayari—buong pag-aalang-alang na inakay ang matanda at dinala sa tabi ni Lifu-o sa gitna ng pinagdarausan ng canao; ang ay-ayeng ay inaawitan ng muli;ang mga gangsa ay unti-unting sumisigla sa nalilikhang tugtugin... Naupo na  ang matanda, taglay ang mga plato ng pagkain. Sa hudyat ni Lifu-o dahan-dahang itinaklob ang kawa. Lumalakas ang awitan, ang ay-yeng; bumibilis ang pagtugtog sa mga gangsa. Sa dibdib ni Lifu-o, makakas din ang pintig ng puso. Iyon din ang pintig ng buhay na naghahari sa kapaligiran.

          SA SILANGAN pumupusyaw na ang liwanag at nagkakahugis na ang mga puno sa pino.

          Sa magkabilang tabi ni Lifu-o ay walang katinag-tinag si Napat-a at si Sabsabung. Sa malapit sa nakataob na kawa ay nakapaligid ang mga katutubo. Ang hubad nilang katawang nasisikatan ng araw ay nangingintab sa pawis. Magkahalong damdamin ng pananabik at pangamba ang nakalarawan sa mukha ng lahat. Samantala, ang mga am-ama na kinabibilangan ng mga intugtugon ay bumubulong ang mga pangamba. Sa itaas, humuni ang isang ibon.

          “Ito ang itinakdang araw ng matanda, ama,” pagaw wari ang bahagyang nagkatinig ang anak; gumulantang iyo kay Lifu-o. “Hindi ka ba natatakot, ama...? Ha, ina...?”

          “Sabsafung...” Halos bulong iyon ng ina. Pinisil nito ang hinawakang kamay ng anak.; gumulantang iyon kay Lifu-o. Nararamdaman ni Sabsafung ang lamig niyon.

          “Bakit kayo matatakot, ha, Sabsafung? Ha, Napat-a?” Pumayapa ang tinig ng ama ngunit ang kanyang lalamunan. Lumunok si Lifu-o. “Pangako niyang handog ito.”

          “Oo nga, Lifu-o...”

          “Oo nga, Ama...”

          Kinabig bi Lifu-o ang balikat ni Napat- at Sabsafung. Ang init ng katawan ay magpapadaloy ng mainit na dugo.

          Humudyat si Lifu-o. Itataas na ang kawa. Apat na matitipunong igorot ang lumapit sa kawa. Ngunit...

          “Apu Lifu-o...!” Ang bulalas ay sabay-sabay halos na namulas sa bibig ng mga Igorot.

          “Apu Lifu-o, nagkalamat ang kawa...!”

          At nakita ba ninyo... nakikita ba ninyo?”

          “Lumalaki ang lamat... Nabasag ang kawa!”

          “May nag-uusbong na halaman...”

          “Tugtugin ang mga gangsa... nang malakas na malakas... nang mabilis na mabilis...”

          “Awitin ang ay-ayeng...”

          Manalangin...!”

          Sila’y nangangayupapa. Nananalangin, nag-aawitan. Sa saliw ng gangsa. Palakas nang palakas. May nagsisindak—mga lalaki, mga babae, mga bata, matatanda.

          Sapagka’t, kadakilaan... o, kabunian...! Isang halamang ginto ang tumuutubong ito.

          Natutop ni Lifu-o ang dibdib. Ang pintig niyon ay napapayanig sa kaniyang katauhan.

          “Ginto! Puno ng ginto!” Ang sigawan ay di-magkamayaw- nangibabaw na sa awitan, sa tum-tum-tum ng mga gangsa; samantala, pataas na nang pataas, palago na nang palago ang puno. Sa sikat ng araw, ang makikinabang at makislap na kataasan ay sumisilaw sa lahat.

          Biglang-biglang, nahinto ang tugtog... napawi ang awit... napipi ang mga panalangin.

          Si Sabsafung ang unang kumilos. Tila sa isang panaginip lumalakad itong apalapit na puno ng ginto. Ang kinang ng puno sa paningin ni Lifu-o ay lalong nagpaningning sa kagandahan ng anak. Ihahabi ni Napat-a si Sabsafung ng damit ng ginto. Sinundan ni Lifu-o si Sabsafung may ligaw na udyok na nanikit sa kanyang utak. Damit na ginto para kay Sabsafung. Hinaplus-haplos ni Sabsafung ang puno; Hinaplus-haplos ni Lifu-o ang puno.

          Ang sumusunod ay marami pang sandal ng pagpanaw ng lahat ng muni, pagkatapos ay pagkalimot, pagkatapos ay pagliwanag ng isip ng isang katotohanan... at ang pagkaunawa: ginto... kayamanan... kayamanang ginti...!













         

         




No comments:

Post a Comment